-- ADVERTISEMENT --

Dalawang katao ang nasawi at 10 iba pa ang nasugatan matapos muling magpakawala ang Russia ng missiles at drones sa Kyiv, Ukraine nitong Martes ng umaga.

Ayon sa Ukrainian authorities, kabilang sa ginamit sa pag-atake ang ballistic at cruise missiles at mga drone. Napinsala ang isang limang-palapag na residential building, isang malaking gusaling hindi tirahan at isang educational institution, habang ilang sasakyan ang nasunog.

Bilang pag-iingat, nag-deploy ang Poland ng military aircraft upang bantayan ang airspace nito kasunod ng malawakang pag-atake.

Naganap ang pambobomba isang araw matapos bumisita sa rehiyon ang mga emisaryo ni US President Donald Trump na sina Steve Witkoff at Jared Kushner para sa mga pag-uusap na naglalayong buhayin ang naudlot na peace talks ng Russia at Ukraine.

Sa mga nakaraang araw, sunod-sunod ding nakipagpulong ang mga kinatawan ng US sa Kyiv at Moscow, kabilang ang pakikipagkita kay Russian President Vladimir Putin.