-- ADVERTISEMENT --

Muling humarap sa publiko si Leyte First District Representative Congressman Martin Romualdez matapos maiugnay ang kanyang pangalan sa kontrobersiya ng mga flood control projects. Personal siyang bumisita sa mga bayan ng Santa Fe, Alangalang, at Tolosa sa Leyte, kung saan sinalubong siya ng mainit na pagtanggap mula sa mga lokal na opisyal at residente nitong Sabado.

Sa kanyang pag-iikot, nakipagpulong si Romualdez sa mga residente at lokal na lider ng mga nabanggit na bayan. Layunin ng kanyang mga pagbisita na ipakita ang patuloy niyang pakikipag-ugnayan sa mga nasasakupan, lalo na sa gitna ng mga isyung kinahaharap.

Ayon sa ilang lokal na opisyal, mahalaga ang personal na presensya ng kongresista upang direktang marinig ang mga pangangailangan ng kanilang komunidad, tulad ng mga proyekto sa imprastruktura, serbisyong panlipunan, at mga programang pangkaunlaran.

Isa sa mga highlight ng kanyang pagbisita ay ang inspeksyon sa mga proyektong pinondohan ng kanyang tanggapan. Sa bayan ng Santa Fe, Leyte, tinignan niya ang bagong tayong pamilihang bayan at gusaling lehislatibo.

Nagpahayag si Romualdez ng optimismo ukol sa patuloy na pag-unlad ng mga bayan sa kanyang distrito. Aniya, magtutulungan ang lahat upang muling bumangon at umunlad ang kanyang nasasakupan, at binigyang-diin na patuloy ang pag-usbong ng Santa Fe at iba pang lugar sa Leyte.