Bukas ang Malacañang Palace na pag-aralan ang mungkahing 4-day work week bilang bahagi ng mga hakbang sa pagtitipid, sa gitna ng inaasahang epekto sa bansa ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Iran at Israel.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, maaari itong pag-aralan ng pamahalaan lalo na kung lalala pa ang sitwasyon sa Middle East.
Gayunman, nilinaw ni Castro na sa ngayon ay wala pang pormal na talakayan tungkol sa naturang panukala.
Matatandaang ipinatupad na rin noon ang 4-day work week at work-from-home arrangement sa ilang tanggapan ng pamahalaan noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Habang nabanggit naman kahapon ni Ferdinand Marcos Jr. na may direktiba na siya sa lahat ng ahensya ng pamahalaan at sa publiko na magpatupad ng mga hakbang sa pagtitipid sa enerhiya.
Samantala, nanawagan si Brian Raymund Yamsuan ng pansamantalang pagpapatupad ng work-from-home setup at online classes upang maibsan ang epekto ng posibleng malaking pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.













