Naghain ng panukalang batas si Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez na naglalayong pababain ang bilang ng mga nasasawi dahil sa cancer sa pamamagitan ng mas pinaigting na maagang pagsusuri sa komunidad.
Sa ilalim ng House Bill No. 7942 o Cancer Risk Screening and Awareness Act, nais ni Romualdez, kasama si Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, na gawing regular at libre ang cancer screening sa antas ng barangay upang mas marami ang agad na matukoy na may sakit.
Unang bibigyang-priyoridad ng programa ang pagsusuri para sa breast, cervical, colorectal, at prostate cancer — ilan sa mga pinakakaraniwang uri ng cancer sa bansa.
Binigyang-diin ni Romualdez, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), na nananatiling isa ang cancer sa pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino, kadalasan dahil sa huli na itong natutuklasan o late diagnosis.
Ayon sa kanya, ang maagang pagtukoy sa sakit ay hindi lamang makapagliligtas ng buhay kundi makatutulong ding mabawasan ang gastusing medikal na kadalasang nagpapabigat sa mga pamilya.
Bahagi rin ng panukala ang pagpapalakas sa papel ng mga Barangay Health Workers (BHWs) sa pamamagitan ng espesyal na pagsasanay hinggil sa cancer prevention at suporta sa mga pasyente.
Dagdag pa rito, magtatatag ang Department of Health (DOH), katuwang ang mga lokal na pamahalaan, ng isang nationwide cancer risk profiling system upang mas maayos na masubaybayan at matugunan ang mga kaso ng cancer sa buong bansa.












