-- ADVERTISEMENT --

Ipinahayag ng Malacañang na wala pang anumang pag-uusap hinggil sa posibleng alyansa sa pagitan ng administrasyon at oposisyon para sa 2028 elections.

Ito ay matapos sabihin ni Sen. Risa Hontiveros na hindi pa tiyak kung kakailanganin ng oposisyon na makipag-alyansa sa kampo ng Pangulo upang talunin si Vice President Sara Duterte sa 2028 presidential race.

Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, sa ngayon ay wala pang talakayan ukol dito, at magbibigay naman aniya ng abiso ang administrasyon kung may magiging development.

Binigyang-diin din ni Castro na hindi pa iniintindi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang usaping pulitikal dahil malayo pa ang halalan. Aniya, mas nakatuon ang Pangulo sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto para sa kaunlaran ng bansa.

Ipinaliwanag din ni Castro ang pagkakaiba ng “politician” at “statesman,” kung saan ang politician ay nakatuon sa susunod na eleksyon, habang ang statesman ay iniisip ang kapakanan ng susunod na henerasyon. Tinukoy niya si VP Sara bilang isang “politician” matapos itong magdeklara ng kanyang pagtakbo sa 2028 elections.