Nanindigan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagpapatuloy ng kanilang “transparency initiative” sa West Philippine Sea (WPS), sa kabila ng patuloy na tensyon sa pagitan ng mga opisyal ng Pilipinas at ng Chinese Embassy.
Ayon kay AFP spokesperson para sa WPS, Rear Adm. Roy Vincent Trinidad, mahalaga ang nasimulang kampanya upang ipaalam sa publiko ang agresibo at iligal na kilos ng China sa teritoryo ng Pilipinas, pati na rin ang patuloy na pagtatanggol ng bansa sa karapatan nito sa pinag-aagawang karagatan.
Aniya, kritikal din ang naturang inisyatiba upang labanan ang mga pagtatangkang impluwensiyahan ng mga dayuhan ang mga Pilipino sa pamamagitan ng pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa WPS.
Dagdag pa niya, tungkulin ng AFP na suportahan ang pamahalaan hindi lamang sa pagprotekta sa buong teritoryo ng bansa, kundi pati na rin sa pagpapalaganap ng katotohanan tungkol sa naturang karagatan, na malaking bahagi ay pag-aari ng Pilipinas.












