-- ADVERTISEMENT --

Isinumite na ng Philippine General Hospital (PGH) sa Sandiganbayan ang medical examination report ni dating House Speaker Martin Romualdez, na nahaharap sa P7.4-bilyong nonbailable plunder case kaugnay ng umano’y flood control kickback scheme.

Inaasahang ihaharap ng PGH ngayong Lunes ang resulta ng independent medical examination upang matukoy kung kailangan pa ni Romualdez na manatili sa ospital o maaari na siyang ilipat sa New Quezon City Jail sa Payatas.

Ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), agad nitong ililipat si Romualdez sa kulungan kapag iniutos ng korte at idineklarang fit para sa transfer. Kung mananatili naman siya sa PGH, patuloy siyang babantayan ng BJMP sa loob at paligid ng ospital.

Dinala si Romualdez sa PGH mula sa Cardinal Santos Medical Center noong Sabado matapos siyang isailalim sa kustodiya kasunod ng inilabas na arrest warrant. Sa kanyang mosyon, binanggit niya ang ilang iniindang kondisyon, kabilang ang diabetes, hypertension at hypothyroidism.

Nahaharap si Romualdez at tatlo pang indibidwal sa plunder case na isinampa ng Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project.

Samantala, sinabi ng BJMP na wala itong namonitor na banta kay Romualdez at nananatiling normal ang security situation sa kanyang kustodiya.