-- ADVERTISEMENT --

Patuloy ngayong araw ang isinagawang search and rescue operation sa Davao Gulf matapos maulat na nawawala ang isang recreational vessel na may 15 na sakay na mga pasahero at crew members, na pinaniniwalaang lumubog kahapon ng hapon.

Nakapaglabas na ng Notice to Mariners ang Philippine Coast Guard sa Davao Region kahapon, kung saan hinihikayat ang lahat ng mangingisda at mga naglalayag sa dagat na maging alerto sakaling may makita silang bangka sa nasabing bahagi ng karagatan.

Ayon sa inilabas na abiso ng ahensya, ang nawawalang motor bangka ay naglayag sa dagat ng Davao Occidental, at huling nakita bandang alas-tres ng hapon sa kalapit na lugar ng Sarangani, Davao Occidental.

Nalaman na ang bangka na pinangalanang Amejara, ay naglayag mula sa Sta. Ana Wharf, Davao City noong Enero 17 at inaasahang darating sa munisipalidad ng Governor Generoso, Davao Oriental noong Enero 19, 2026, kahapon.

Sa kasalukuyan, na-alerto na ang lahat ng naglalayag sa dagat, lalo na sa mga lugar ng Malita, Sta. Maria, Don Marcelino, pati na sa Balut Island, Sarangani Island, Jose Abad Santos, North Jose Abad Santos, at sa karagatan ng Governor Generoso, Davao Oriental, upang maging maingat sa paligid.

Kung may makitang bangka na lumubog, lumulutang, o may palatandaan ng aksidente sa dagat, makipag-ugnayan agad sa pinakamalapit na munisipalidad / MDRRMO / Coast Guard Station Davao Occidental sa numerong 0975-518-9735.