-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Kinumpirma ng isang tricycle driver na siya ang sinakyan ng babaeng itinuturing na pangunahing suspek sa pagdukot ng bagong silang na sanggol sa South Cotabato Provincial Hospital.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo, sinabi ni Manong Bobby Siman na nakasuot pa ng berdeng hospital uniform ang babae nang sumakay ito sa kaniyang tricycle mula sa Purok Everlasting, Brgy. Avanceña papunta sa St. Gabriel.

Ayon kay Manong Bobby, napansin niyang hindi natatakpan nang maayos ang sanggol kaya sinaway pa niya ang babae at sinabing takpan ito upang hindi malamigan o mahanginan.

Dagdag pa niya, hindi raw nagsasalita ang babae habang karga-karga ang sanggol at nakasakay sa tricycle hanggang sa bumaba ito sa kanyang destinasyon.

Nakababa na umano ang suspek nang malaman nito na may nawawalang sanggol sa hospital at doon niya napagtanto na ang naging pasahero pala nito ay ang babaeng dumukot sa sanggol.

Sa ngayon, patuloy pa ring pinaghahanap ng mga awtoridad ang babae at ang nawawalang sanggol habang nagpapatuloy ang mas malalim na imbestigasyon.