-- ADVERTISEMENT --

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa aksidenteng kinasangkutan ng isang wing van na kargado ng saging na sumalpok sa anim na kabahayan sa Purok 1, Barangay Noa, Magpet, North Cotabato pasado alas-5 ng umaga nitong Lunes, Oktubre 27, 2025.

Batay sa inisyal na ulat ng pulisya, nawalan umano ng kontrol ang driver habang binabagtas ang pababa at matarik na bahagi ng daan, dahilan para tuluyang bumangga sa mga kabahayan at isang mini gasoline station.

Tatlong motorsiklo rin ang nadamay sa nasabing aksidente.

Kinilala ang driver na si Alvin Ilorica, na kasama ng kanyang pahinante at dalawang residente na nagtamo ng mga galos at minor injuries.

Wala namang naiulat na nasawi, ngunit nagdulot ng matinding pinsala sa mga ari-arian ang insidente.

Patuloy na inaalam ng mga otoridad kung may pananagutan ang kumpanya ng truck at kung may naging pagkukulang sa kondisyon ng sasakyan bago ito bumiyahe.