-- ADVERTISEMENT --

Inaresto at mahaharap sa kasong Acts of Lasciviousness kaugnay ng Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act) ang isang coach matapos umanong mangmolestiya ng menor de edad na manlalaro ng Batang Pinoy sa loob mismo ng billeting area bandang ala-1 ng madaling araw kamakailan.

Kinilala ang suspek bilang si alyas “Roger,” 43 anyos, isang guro at head coach ng isang women’s volleyball team. Inireklamo siya ng 17-anyos na lalaki, na isa ring player ng volleyball team.

Batay sa imbestigasyon, habang natutulog ang biktima bandang ala-1 ng madaling araw, nilapitan umano ito ng coach, hinubaran ng boxer shorts, at hinawakan ang maselang bahagi ng katawan.

Nang magising umano ang isa sa mga kasamahan ng biktima, nasaksihan nito ang ginagawa ng suspek, ngunit sa halip na tumigil, ngumiti lamang umano ito at ipinagpatuloy ang kanyang ginagawa.

Dahil dito, agad na nagsumbong sa pulisya ang biktima, at mabilis na nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto ng coach.

Ayon kay Police Lt. Col. Rexor Canoy, tagapagsalita ng General Santos City Police Office, nakahanda na ang kasong isasampa laban sa suspek at posibleng ngayong araw ay maisumite na ito sa korte.