-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nasawi ang isang lalaki habang sugatan naman ang isa pa matapos silang tamaan ng kidlat sa kasagsagan ng malakas na ulan bandang alas-2 ng hapon, Martes, Oktubre 14, 2025, sa Purok Kalyong, Barangay Landan, Polomolok, South Cotabato.

Batay sa ulat ng Polomolok Municipal Police Station at Barangay Disaster Risk Reduction and Management Council (BDRRMC), abala umano ang dalawang biktima sa kanilang gawain sa bukirin nang biglang kumulog at kumidlat.

Ilang sandali lamang, ay tinamaan ng malakas na kidlat ang lugar na kanilang kinaroroonan, dahilan upang sila ay agad na bumagsak sa lupa.

Agad silang isinugod ng mga residente sa Polomolok Municipal Hospital, subalit idineklara nang dead on arrival ang isa sa mga biktima.
Samantala, ang isa pa ay patuloy na ginagamot at kasalukuyang nasa stable condition ayon sa mga doktor.

Pinayuhan naman ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang mga residente na umiwas sa mga bukas na lugar tuwing may malakas na ulan at pagkulog, lalo na ang mga magsasaka at trabahador sa bukid.