Nagpapatuloy ang malalimang imbestigasyon sa madugong engkwentro sa pagitan ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at isang traffic enforcer, na nauwi sa pagkasawi ng dalawang indibidwal sa San Jose, Dinagat Islands.
Nangyari ang insidente dakong alas-3:35 ng madaling araw, Agosto 7, sa Purok 4, Barangay Sta. Cruz.
Kinilala ang mga nasawi na sina Patrolman Ferry Sida Jaso, 29 anyos, miyembro ng CIDG-Dinagat Islands, at Anjun Casador, isang traffic enforcer at casual employee ng LTO, residente rin ng nasabing barangay.
Batay sa paunang ulat ng San Jose Municipal Police Station, nagsasagawa ng surveillance operation ang CIDG laban sa target nilang si Casador. Sa gitna ng operasyon, bigla umanong bumunot ng baril si Casador at binaril sa ulo si Patrolman Jaso.
Dahil dito, agad namang gumanti ng putok ang backup ni Jaso na si Patrolman Leonel Estroso, 31 anyos, na siya ring nakapatay kay Casador.
Kasalukuyang nasa custody ng pulisya si Estroso habang patuloy ang masusing imbestigasyon sa insidente upang matukoy ang buong pangyayari at legal na hakbang na isusunod.