-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Umabot sa sampu ang sugatan sa nangyaring pag-araro ng na-loose brake na boom truck sa motorsiklo at pick-up sa traffic light sa Judge Alba St. malapit sa Protech Center, Koronadal City pasado alas-5 ng hapon, Agosto 1,2024.

Sa inisyal na impormasyon, nawalan ng preno ang truck na nagmula sa Upper Valley area at nabangga nito ang isang motorsiklo at pick-up truck.

Wasak at yuping-yupi naman ang motorsiklo na nabangga ng boom truck kung saan sugatan ang drayber nito.

Sa pagnanais ng driver ng truck na hindi makaperwisyo ng iba nagdesisyon umano itong ibangga na lamang sa pader ng Protech Center ngunit nadamay pa nito ang nakapark na pick-up truck.

Sa salaysay ng driver ng boom truck, mula sa DPWH view deck pa lamang sa Barangay Paraiso ay nawalan na umano ng preno ang kaniang truck.

Mabuti na lamang ay naka-green light ang traffic light kung kaya’t walang masyadong sasakyan na nadamay sa aksidente.

Sa ngayon, ginagamot na sa ospital ang mga sugatan kung saan pawang mga minor injuries lang naman ang natamo maliban sa driver ng motorsiklo.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring aksidente.