-- ADVERTISEMENT --

Nananatili sa tatlo ang bilang ng kumpirmadong nasawi habang 22 iba pa ang nasugatan sa madugong pamamaril na naganap sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22, 2026.

Taliwas ito sa lumabas na impormasyon nitong umaga na umakyat sa apat ang mga binawian ng buhay.

Ayon sa mga awtoridad, dalawang menor de edad na estudyante ang nasa kustodiya ng pulisya at kasalukuyang iniimbestigahan upang matukoy ang buong detalye at motibo sa likod ng insidente.

Sa follow-up investigation sa pinangyarihan ng krimen, nakarekober ang mga imbestigador ng mahigit 40 basyo ng bala, gayundin ang isang 9mm Glock pistol at isang .38 caliber revolver na pinaniniwalaang ginamit sa pamamaril. Lumalabas sa paunang ulat na ang mga armas ay nakarehistro sa mga kamag-anak ng mga suspek.

Bilang pag-iingat, nananatiling suspendido ang klase sa San Jose National High School, San Jose Central School, at Manlurip Elementary School.

Samantala, nagbigay na ng tulong ang Department of Education sa pamamagitan ng serbisyong medikal at psychosocial intervention para sa mga estudyante, guro, at iba pang naapektuhan ng trahedya.