-- ADVERTISEMENT --

Nais ng mga mambabatas na matukoy kung sino ang nagpasimula at naghanda ng mga affidavit na kalaunan ay binawi ng apat na dating bodyguard ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.

Hinamon ni impeachment endorser at House Committee on Human Rights Chair Bienvenido “Benny” Abante Jr. ang apat na dating bodyguard na tukuyin ang umano’y mastermind sa likod ng mga sinumpaang salaysay na naglalaman ng mga alegasyon laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez, Co at iba pang personalidad.

Ang apat na sina Rosebert Macasasa Waupan, Cecilio Serafica Larroder Jr., Benny Bulontate at Bernard Tube ay kapwa nag-recant at nagsabing napilitan, nabantaan o nahikayat silang lumagda sa mga affidavit.

Sa kanilang mga bagong pahayag, lumutang ang pangalan ni Atty. Levito Baligod, na umano’y nag-utos o gumabay sa ilan sa kanilang mga aktibidad at pahayag.

Para kay Abante, hindi sapat ang simpleng pagbawi sa mga affidavit para agad matukoy kung alin sa mga salaysay ang totoo. Aniya, kailangang tukuyin kung sino ang naghanda ng mga dokumento at may ebidensyang susuporta sa mga bagong alegasyon ng pamimilit o pananakot.

“Kung fabricated ang mga affidavit, sino ang nag-fabricate? Kung scripted, sino ang gumawa ng script? Kung may mastermind, pangalanan at patunayan,” ani Abante.

Hinamon din ni House trial spokesperson at impeachment adviser Ace Barbers ang apat na pangalanan ang sinumang umano’y nag-utos o nag-organisa sa paggawa ng kanilang mga binawing affidavit.

Samantala, kabilang din sa mga pangalang binanggit sa mga salaysay sina dating Rep. Mike Defensor at Sen. Rodante Marcoleta, na umano’y nag-alok ng legal o political support.

Hindi naman binawi ni Jeron Gaveria Balderama ang kaniyang affidavit. Iginiit din niyang hindi siya kabilang sa tinawag na “18 Marines” at wala siyang personal na kaalaman sa mga alegasyon tungkol sa umano’y paghahatid ng pera at mga maleta.

Sa gitna ng magkakasalungat na salaysay, nananatiling hamon sa mga kinauukulan ang pagtukoy kung alin sa mga pahayag ang may sapat na ebidensya at kung sino ang maaaring managot kung mapatunayang may nag-organisa ng mga pekeng o mapanlinlang na affidavit.