Nagpatupad ng full alert status ang Philippine National Police noong gabi ng Mayo 13 matapos ang napaulat na sunod-sunod na putok ng baril sa loob ng ikalawang palapag ng Senado.
Ayon sa PNP, bahagi ito ng standard security protocol upang masiguro ang kaligtasan ng publiko habang patuloy pang bineberipika at iniimbestigahan ang insidente.
Sa inilabas na pahayag ng pulisya, sinabi nitong pinalakas ang security monitoring at police presence sa paligid ng Senado kasunod ng ulat mula sa mga personnel na nasa lugar ng insidente.
Ipinatupad ang full alert status dakong alas-8:30 ng gabi, kasabay ng pagkansela ng leave ng mga pulis at pagdaragdag ng deployment ng mga awtoridad sa paligid ng gusali ng Senado.
Tinatayang nasa 1,500 pulis ang naunang ipinakalat upang magbantay sa lugar habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa pinagmulan ng mga putok ng baril at sa tunay na nangyari sa loob ng gusali.












