Nakatakdang humarap ngayong Lunes ang dalawang auditor ng Commission on Audit (COA) bilang mga testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kung saan inaasahang ilalahad nila ang resulta ng pag-audit sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Magpapatotoo sina dating Intelligence and Confidential Funds Audit Office state auditor Roderick Wamil at supervising auditor Celine May Del Campo tungkol sa audit process at sa mga natuklasan ng COA kaugnay ng paggastos ng confidential funds ng dalawang tanggapan.
Ayon kay House lead prosecutor Representative Gerville Luistro, ang testimonya ng mga auditor ang magsisilbing sentro ng pagtalakay sa mga Notice of Disallowance na inilabas ng COA dahil sa umano’y mga kuwestiyonableng disbursement ng confidential funds.
Kasunod ng pagdinig ng mga auditor, inaasahan ding haharap si Marivic Pareja, director ng Legislative Information Resources Management Department ng House of Representatives.
Nauna nang tumestigo ang mga retiradong LandBank branch managers na sina Violeta Constantino at Nenita Camposano, na nagbigay ng detalye sa pag-encash ng Treasury checks na umaabot sa P612.5 milyon para sa OVP at DepEd noong si Duterte pa ang kalihim ng kagawaran.
Ang usapin ay kaugnay ng Article I ng impeachment complaint, na nag-aakusa kay Duterte ng umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds na inilaan sa OVP at DepEd.
Iginiit ng prosekusyon na ang liquidation ng pondo ay sinamahan ng mga acknowledgment receipts na may mga pangalang gaya ng “Mary Grace Piattos,” “Milky Secuya,” at “Kokoy Villamin,” kasama ang daan-daang iba pang pangalan na umano’y hindi tumugma sa mga rekord ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Binanggit din ng prosekusyon na kabilang sa mga isyung sinusuri ang umano’y mabilis na paggastos ng P125 milyon sa loob lamang ng 11 araw, na naging batayan ng COA sa paglalabas ng mga notice of disallowance na nag-uutos sa pagbawi ng mga kuwestiyonableng ginastos.
Samantala, sinabi ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong na bagama’t confidential at intelligence funds ang pinag-uusapan, nananatili pa rin itong saklaw ng audit ng COA at dapat gamitin alinsunod sa umiiral na mga patakaran at may kaukulang pananagutan.













