Nagbabala si Donald Trump na tataasan niya ang taripa sa mga produktong galing sa China na pumapasok sa Estados Unidos kung magbibigay ang Beijing ng tulong militar sa Iran kaugnay ng digmaan sa Middle East.
Ayon kay Trump, magiging malaking problema para sa China kung gagawin nila ito.
“If we catch them doing that, they get a 50 percent tariff, which is a staggering — that’s a staggering amount,” dagdag pa ng lider ng US.
Hindi naman nilinaw ng pangulo kung ano pang karagdagang hakbang ang gagawin ng Estados Unidos.
Ang pahayag ni Trump ay kasunod ng mga intelligence report na nagsasabing naghahanda ang China na magpadala ng mga armas sa Tehran.
Batay sa ulat, plano ng Beijing na magpadala ng advanced air defense systems sa mga susunod na linggo. Kabilang dito ang mga anti-air missiles o MANPADS na maaaring magdulot ng banta sa mga low-flying aircraft tulad ng mga military platform ng US.
Nabanggit din sa mga ulat na posibleng idaan sa mga third country ang kasunduan upang hindi matukoy ng US kung sino ang nasa likod nito.
Nauna nang itinanggi ng China Defence Ministry ang pagbibigay sa Iran ng satellite imagery at semiconductor chips na ginagamit sa paggawa ng mga kagamitang militar ng Iran.
Samantala, inaasahang bibisita si Trump sa China sa susunod na buwan upang makipagpulong kay Chinese leader na si Xi Jinping.













