KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naganap na pamamaril sa isang tricycle driver sa Purok Alegria, Barangay Morales, Koronadal City, bandang alas-3:25 ngayong hapon, April 9, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay alyas Mark, isang residente sa lugar, inakala nila noong una na naaksidente lamang ang tricycle. Ngunit nang kanilang lapitan upang saklolohan, laking gulat nila nang matuklasan na biktima pala ng pamamaril ang driver na kinilalang si Alyas Ben, 40-anyos, taga-Maibo, Tantangan, South Cotabato.
Lumalabas sa inisyal na impormasyon na sinundan ng suspek ang biktima habang binabagtas nito ang daan mula Koronadal City patungong Tantangan.
Ang mga suspek ay lulan ng isang motorsiklo at mabilis na tumakas matapos ang krimen.
Sa ngayon, dinala na sa ospital ang sugatang biktima habang mapalad namang hindi tinamaan ang kanyang sakay na pasahero.
Hindi pa matukoy ng mga otoridad ang uri ng baril na ginamit at ang pagkakakilanlan ng salarin habang patuloy ang pangangalap ng mga ebidensya sa pinangyarihan ng insidente.
Inaalam pa sa ngayon ang motibo ng mga suspek sa pamamaril sa biktima.













