-- ADVERTISEMENT --

Iminungkahi ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsasampa ng kasong kriminal laban kay Sara Duterte, kabilang ang tatlong bilang ng grave threats at isang bilang ng inciting to sedition, kasunod ng kanyang mga kontrobersyal na pahayag laban sa matataas na opisyal ng gobyerno.

Umuugat ang rekomendasyon sa umano’y pagbabanta ng Bise Presidente kina Ferdinand Marcos Jr., Liza Araneta-Marcos, at Martin Romualdez. Hindi kinatigan ng NBI ang depensa ni Duterte na “conditional” lamang ang kanyang naging pahayag, iginiit na malinaw umano ang intensyon nitong manakot batay sa kabuuang konteksto.

Bukod sa grave threats, tinukoy rin ng NBI ang posibilidad ng inciting to sedition kaugnay ng mga naging pahayag ni Duterte sa mga online press briefing noong Oktubre at Nobyembre 2024. Ayon sa ahensya, ang tono at nilalaman ng kanyang mga sinabi ay maaaring mag-udyok ng matinding pagkadismaya sa gobyerno at maghikayat ng pagtutol laban sa mga awtoridad.

Sa affidavit ng NBI, binigyang-diin na ang mga ganitong pahayag ay may tendensiyang magpasiklab ng damdaming laban sa estado at maaaring magtulak sa publiko na kumilos laban sa umiiral na pamahalaan sa paraang labag sa batas.

Samantala, ayon sa ilang miyembro ng House Committee on Justice, maaaring magsilbing kritikal na ebidensya ang naturang affidavit sa nagpapatuloy na usapin ng impeachment laban sa Bise Presidente.

Sa ngayon, nananatiling walang opisyal na tugon ang Office of the Vice President hinggil sa rekomendasyon ng NBI, habang patuloy na hinihintay ang pahayag mula sa kampo ni Duterte.