Tuluyang sinibak ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang 11 pulis na iniuugnay sa umano’y serye ng kidnapping na isinagawa sa ilalim ng mga operasyong kontra droga, pati na rin sa misteryosong pagkawala ng mga sabungero.
Kabilang sa mga tinanggal sa serbisyo ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), partikular mula sa Regional Drug Enforcement Unit ng National Capital Region Police Office (NCRPO). Pinangalanan sa desisyon sina PLtCol Ryan Jay Orapa at iba pang opisyal at miyembro na direktang iniuugnay sa mga reklamo.
Sa desisyon ng NAPOLCOM, napatunayang guilty ang mga nasabing pulis sa dalawang bilang ng grave misconduct at dalawang bilang ng conduct unbecoming of a police officer. Kaugnay ito ng mga alegasyon ng pagdukot na isinagawa umano sa ilalim ng lehitimong anyo ng anti-drug operations noong nakaraang administrasyon.
Nagsimula ang kaso sa reklamo nina Milagros Estacio at Elizabeth Sotto noong Setyembre 2025, matapos nilang akusahan ang ilang pulis na dinukot ang kanilang mga anak sa magkahiwalay na operasyon noong 2021—mga insidenteng hanggang ngayon ay nananatiling hindi pa nareresolba.
Lumalalim pa ang usapin dahil ang ilan sa mga sinibak ay nahaharap din sa hiwalay na imbestigasyon kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero noong 2021 hanggang 2022. Kabilang dito sina Dane Mark Carlos at Charles Dean Sotto, na pinaniniwalaang biktima rin ng mga pekeng operasyon kontra droga at hindi pa natatagpuan hanggang sa kasalukuyan.
Ayon kay Rafael Vicente Calinisan, chairman ng NAPOLCOM, ang kidnapping ay hindi lamang mabigat na krimen kundi malinaw na paglabag sa tiwala ng publiko, lalo na kung ang sangkot ay mga alagad ng batas.
Sa panig naman ng PNP, iginiit ng ahensya na iginagalang nila ang naging desisyon ng NAPOLCOM at patuloy ang kanilang kampanya para sa internal cleansing bilang bahagi ng pagsisikap na maibalik ang kredibilidad ng kapulisan.













