Nanawagan ang House prosecution panel kay Vice President Sara Duterte na personal na humarap sa unang araw ng kanyang impeachment trial sa Senado na nakatakda sa Hulyo 6.
Ayon kay House trial spokesperson at Kabataan Party-list Rep. Atty. Renee Co, mahalagang dumalo ang Pangalawang Pangulo sa paglilitis bilang paggalang sa proseso at upang matugunan ang mga isyung ibinabato laban sa kanya.
Umaasa rin si Co na hindi iiwas o “mang-ghost” si Duterte sa pagbubukas ng impeachment proceedings, na aniya’y mahalaga upang maipakita ang pananagutan sa publiko.
Kasabay nito, hinikayat niya ang mga senator-judges na gampanan ang kanilang tungkulin nang may pagiging patas, integridad, at pagsunod sa Konstitusyon upang matiyak ang isang makatarungang paglilitis.
Ang panawagan ng House prosecution ay ilang oras bago ang inaasahang pagsisimula ng impeachment trial ng Bise Presidente sa Senado.













