Nagtaas na ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa ilang bahagi ng Luzon at Bicol Region habang patuloy na kumikilos ang Super Typhoon Inday sa Philippine Sea.
Sa tropical cyclone bulletin na inilabas alas-11:00 ng gabi, sinabi ng PAGASA na bagama’t bahagyang humina ang bagyo, nananatili itong napakalakas at maaari pang magdulot ng malalakas na hangin sa mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 1.
Kabilang sa mga apektadong lugar ang Batanes, Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Isabela, hilagang-silangang bahagi ng Quirino, Apayao, hilagang bahagi ng Abra, Kalinga, silangang bahagi ng Mountain Province at Ifugao, Ilocos Norte, hilagang bahagi ng Aurora, at hilaga at gitnang bahagi ng Catanduanes.
Ayon sa PAGASA, posible pang itaas sa Signal No. 2 o Signal No. 3 ang wind signal sa ilang lugar depende sa magiging galaw at lakas ng bagyo sa mga susunod na oras.
Bandang alas-10:00 ng gabi, huling namataan ang sentro ng Super Typhoon Inday sa layong mahigit 1,000 kilometro silangan ng Hilagang Luzon. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 185 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 230 kilometro kada oras habang kumikilos pakanluran-hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Inaasahan ng state weather bureau na mananatiling isang super typhoon ang Inday hanggang Huwebes bago ito unti-unting humina habang papalabas ng Philippine Area of Responsibility.













