-- ADVERTISEMENT --

Ipinasa na ng Senate Blue Ribbon Committee sa Office of the Ombudsman ang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa mga flood control projects upang mapabilis ang proseso at maiwasan ang pagdoble ng mga isinasagawang imbestigasyon.

Ayon kay Blue Ribbon Committee Chairman Senator Erwin Tulfo, napagkasunduan nila nina Senate President Sherwin Gatchalian at Ombudsman Jesus Crispin Remulla na ang Ombudsman na ang mangunguna sa mga usaping may kaugnayan sa flood control projects.

Nagpulong ang tatlo nitong Biyernes sa tanggapan ng Ombudsman sa Quezon City, kung saan sinabi ni Tulfo na ginagamit na rin ng Ombudsman ang mga dokumentong isinumite ng Independent Commission for Infrastructure.

Kabilang sa sinusuri ang ilang kongresista, contractors, government officials, senador at iba pang matataas na opisyal ng gobyerno.

Dahil umuusad na ang imbestigasyon ng Ombudsman, sinabi ni Tulfo na hindi na kailangang makialam pa ang Blue Ribbon Committee sa parehong usapin upang hindi maantala o maapektuhan ang proseso.