-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ni Panfilo Lacson na may sapat na pondo ang Senado para sa posibleng impeachment trial laban kay Sara Duterte.

Ayon kay Lacson, na siya ring chair ng Senate Committee on Accounts, nasa humigit-kumulang ₱26 milyon ang maaaring magamit mula sa ₱27 milyong inilaan sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act. Dagdag niya, saklaw ito ng “continuing appropriations,” kaya maaari pa itong magamit sa loob ng dalawang taon.

Ibinahagi rin ng senador na umaabot na sa halos ₱500,000 ang nagastos ng Senado noong unang matanggap ang Articles of Impeachment laban sa Bise Presidente noong nakaraang taon.

Giit ni Lacson, handa ang Senado sakaling muling magsumite ng impeachment case ang Mababang Kapulungan, at tiniyak niyang ibabatay lamang sa ebidensya ang paghawak ng mga senador sa kaso.

Nagpaalala rin siya sa mga posibleng gumanap bilang senator-judges na pairalin ang wastong asal at sundin ang tamang proseso kung sakaling umusad ang impeachment trial.