Magpapatuloy sa susunod na linggo ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa umano’y iregularidad sa flood control projects na may kaugnayan sa bilyon-bilyong pisong pondo ng pamahalaan.
Ayon kay Senate President Alan Peter Cayetano, napagkasunduan ng mayorya ng Senado ang pagbuo ng subcommittee na tututok sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, na pamumunuan ni Sen. Rodante Marcoleta.
Sa kanyang Facebook livestream, sinabi ni Cayetano na magsisimula ang mga pagdinig sa Hunyo 4 at binigyang-diin niya na layunin nitong ilantad ang buong katotohanan, hindi lamang piling impormasyon.
Itinuturing na isa sa pinakamalalaking kontrobersya sa mga nakaraang taon ang flood control anomalies dahil sa epekto nito sa pondo at implementasyon ng ilang proyekto ng gobyerno.
Si Marcoleta, dating chair ng Blue Ribbon Committee, muling mamumuno sa subcommittee matapos ang ilang pagbabago sa liderato ng komite. Sa kasalukuyan, si Pia Cayetano ang chairperson ng komite.
Sa ilalim ng naunang imbestigasyon ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson, nakapaglabas ng partial report ang komite, ngunit hindi ito nakumpleto dahil kulang sa kinakailangang bilang ng pirma para maipasa sa plenaryo ng Senado.













