Mariing itinanggi ni Sen. Lito Lapid ang mga usap-usapan na lilipat na siya sa majority bloc ng Senado matapos ang naging kontrobersya kaugnay ng mosyon ni Sen. Juan Miguel Zubiri tungkol sa umano’y “propaganda video” ni Sen. Imee Marcos na iniuugnay sa isyu ng Charter Change o Cha-cha.
Sa isang manifestation sa Senate plenary session noong Mayo 26, nilinaw ni Lapid na nananatili siyang bahagi ng minority bloc at walang katotohanan ang mga kumakalat na balitang siya ay lumipat na ng panig.
Aminado si Lapid na suportado niya ang mosyon kaugnay sa isyu, ngunit hindi lamang siya agad nakapagsalita dahil inakala niyang magkakaroon pa ng botohan sa plenaryo.
Nanawagan din ang senador ng pagkakaisa sa Senado sa gitna ng mga tensyon at hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga mambabatas.
“Hiling ko lang po sana sa Senado, magkaisa tayo, iwasan ang bangayan,” ani Lapid, sabay biro tungkol sa presensya ng mga pari sa bulwagan at hiling na ipagdasal umano silang mga senador upang maibalik ang dangal ng Senado.













