Nilinaw ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang nauna niyang pahayag tungkol sa pagbisita ng mga pulis sa mga bahay ng registered gun owners upang inspeksyunin ang lugar kung saan iniimbak ang kanilang mga baril.
Ayon kay Remulla, hindi na kailangan ng search warrant para sa naturang pagbisita dahil pipirma ang mga gun owner ng waiver na nagbibigay-pahintulot sa pulisya na tingnan ang kanilang firearms storage area.
Layunin ng hakbang na matiyak na ligtas at maayos ang pagkakatago ng mga baril, partikular upang hindi ito basta mapasakamay ng mga menor-de-edad.
Napapanahon umano ito kasunod ng mga insidente ng pamamaril sa mga paaralan kung saan nagamit ng ilang menor-de-edad ang mga baril na pagmamay-ari o nakatago ng kanilang mga magulang o kamag-anak.
Iginiit na nakatuon ang hakbang sa pag-iwas sa aksidente at krimen sa pamamagitan ng responsableng pag-iimbak ng mga baril.













