-- ADVERTISEMENT --

Mariing pinabulaanan ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang mga alegasyong ginagamit sa pamumulitika ang imbestigasyong kinasasangkutan nina Sen. Loren Legarda at Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste.

Ayon kay Remulla, may mga isyung dapat linawin, partikular ang posibleng conflict of interest na may kaugnayan sa pagbebenta ng kumpanya at iba pang transaksiyong iniuugnay sa dalawang mambabatas. Giit niya, hindi basta nag-iimbento ng mga usapin ang kanilang tanggapan, kundi iniimbestigahan ang mga alegasyong nangangailangan ng pagsusuri.

Naiuugnay ang dalawa sa kontrobersiya tungkol sa isang solar energy firm at sa umano’y kabiguang matupad ang mga obligasyon nito kaugnay ng prangkisa para sa operasyon ng negosyo.

Samantala, batay sa ulat, nananatili sa ibang bansa sina Legarda at Leviste. Ang pahintulot ni Leviste mula sa Kamara ay hanggang Setyembre 24 lamang, habang ilang ulit namang nagpalawig ng medical leave si Legarda sa Senado mula nang umalis siya ng Pilipinas noong Agosto.

Sa kabila ng mga alegasyon, hindi pa nangangahulugan ang imbestigasyon na napatunayan na ang anumang pagkakasala ng mga mambabatas.