Nagpaalala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa publiko na maging mapanuri at responsable sa paggamit ng social media at iba pang online platforms kasabay ng tumitinding diskusyon kaugnay ng mga kaganapan sa Senado.
Ayon sa ahensya, mahalagang tiyaking beripikado at mapagkakatiwalaan ang mga impormasyong nababasa, napapanood, at ibinabahagi sa internet upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon na maaaring magdulot ng kalituhan at dagdag na tensyon sa lipunan.
Inihayag ng CICC na patuloy nitong mino-monitor ang mga usapan at aktibidad sa iba’t ibang digital platforms, kabilang ang ilang grupong nagpapalaganap ng panawagan para sa mga kilos-protesta kaugnay ng mga kamakailang pagbabago sa liderato ng Senado.
Bagama’t kinikilala ang karapatan ng mamamayan sa malayang pagpapahayag ng opinyon, binigyang-diin ng ahensya na may kaakibat itong pananagutan, lalo na sa panahon kung kailan mabilis kumalat ang impormasyon sa online space.
Ayon kay Undersecretary Renato “Aboy” Paraiso, ang cyberspace ay hindi lamang lugar para sa malayang talakayan kundi isang espasyo kung saan mahalaga ang katumpakan at pananagutan sa bawat post, komento, at ibinabahaging nilalaman.
Dahil dito, hinihikayat ng CICC ang publiko na maging maingat sa mga hindi kumpirmadong ulat, mapanlinlang na content, at mga impormasyon na maaaring gamitin upang impluwensyahan ang opinyon ng publiko o palalain ang umiiral na hidwaang pampulitika.
Sa gitna ng mabilis na daloy ng impormasyon online, nananatiling mahalaga ang kritikal na pag-iisip at responsableng paggamit ng digital platforms upang mapanatili ang maayos at makatotohanang diskurso sa publiko.













