-- ADVERTISEMENT --

Nakataas ngayon ang alerto ng Maguindanao Del Sur Police Provincial Office (PPO) sa buong sakop nito upang mapanatili ang kaayusan sa buong probinsiya, lalo na ngayong Holy Month of Ramadan.

Ayon kay PCPT. Guissepe Tamayo, tagapagsalita ng PPO, sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, tinitiyak ng mga kapulisan na sapat ang kanilang pwersa upang mapanatili ang kaayusan sa kasalukuyang buwan ng Ramadan, sa kabila ng mga insidente o serye ng pamamaril sa kanilang probinsiya.

Mas pinatibay pa ng mga awtoridad ang mga checkpoint sa kanilang nasasakupan matapos ang huling serye ng ambush sa kanilang lugar kung saan isang tao ang napatay at isa pa ang nasugatan.

Patuloy rin ang koordinasyon ng mga kapulisan sa mga pamilya ng mga biktima upang malaman kung may mga banta sa kanilang buhay bago naganap ang ambush.

Hanggang ngayon, hindi pa rin malinaw sa mga awtoridad ang motibo ng mga suspek at ang kanilang pagkakakilanlan, bagamat matagumpay na nakaligtas at nakapalagyo ang mga suspek matapos ang krimen.