Iginiit ng Philippine National Police (PNP) na wala silang nakikitang beripikadong ebidensiya na may umiiral na seryoso at napipintong banta ng kudeta laban kay Ferdinand Marcos Jr..
Ayon kay PNP chief na si Jose Melencio Nartatez Jr., nananatiling mataas ang alert level ng pulisya bilang pag-iingat, ngunit wala umanong sapat na basehan upang magdulot ng pangamba sa publiko. Sa ngayon, itinuturing ng PNP na “rumors” o hindi kumpirmadong ulat ang mga sinasabing tangkang pagpapatalsik sa Pangulo.
Ang pahayag ay kasunod ng sinabi ni Panfilo Lacson na may ilang retiradong opisyal ng militar na umano’y nagtatangkang mag-recruit ng mga miyembro ng uniformed services—isang alegasyong hindi pa nabeberipika ng mga awtoridad.
Sa kabila nito, binigyang-diin ni Nartatez na nananatiling tapat ang PNP sa Konstitusyon at sa mamamayang Pilipino, at hindi sa anumang political faction. Aniya, patuloy na tututok ang pulisya sa kanilang pangunahing tungkulin na pagpapanatili ng kaayusan at pagsugpo sa krimen.
Idinagdag pa ng PNP chief na kapwa committed ang pulisya at militar sa pagsunod sa chain of command at sa pagpapanatili ng katatagan ng pamahalaan.













