-- ADVERTISEMENT --

Nagpaalala ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa publiko na may nakahandang tulong-pinansyal para sa mga karaniwang sakit na dulot ng matinding init, kasabay ng nararanasang mataas na temperatura sa bansa.

Ayon sa ahensya, maaaring ma-avail ng mga miyembro ang iba’t ibang benefit packages sa mga accredited na ospital sa buong bansa upang mabawasan ang gastusin sa pagpapagamot—lalo na sa mga kaso ng heat-related illnesses.

Kabilang sa saklaw ang heat stroke, heat exhaustion, heat collapse, heat cramps at sunstroke, na may benepisyong umaabot sa ₱12,675. Para naman sa heat fatigue at iba pang epekto ng matinding init at liwanag, maaaring makakuha ng hanggang ₱18,135.

May hiwalay ding coverage para sa katamtaman hanggang malubhang dehydration na nagkakahalaga ng ₱7,800, pati na rin sa iba pang karaniwang sakit tuwing tag-init. Kabilang dito ang varicella o chickenpox (₱7,800), typhoid fever (₱19,500), sore eyes o conjunctivitis (₱16,575), at infectious diarrhea o acute gastroenteritis (₱11,700).

Saklaw din ang mga insidenteng may kinalaman sa “toxic effect” mula sa kontak sa mga marine animals tulad ng jellyfish, na may benepisyong ₱11,115.

Ipinaalala rin ng PhilHealth na maaaring gamitin ang Outpatient Emergency Care Benefit Package para sa agarang serbisyong medikal, kabilang ang mga heat-related cases, sa mga accredited Level 1 hanggang Level 3 hospitals.

Ayon kay Edwin Mercado, layunin ng ahensya na matiyak na may sapat na proteksyon ang bawat Pilipino laban sa mga panganib sa kalusugan—anumang panahon o sitwasyon.