-- ADVERTISEMENT --

Nag-anunsyo ang Presidential Communications Office (PCO) na plano nitong maglunsad ng isang website o online platform kung saan puwedeng i-report ng publiko ang mga kumakalat na fake news sa social media at iba pang digital na plataporma.

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, seryoso ang ahensya sa paglaban sa maling impormasyon at hindi nila hahayaang makalusot ang mga nagpapakalat nito. Dagdag pa niya, magsasampa sila ng kaukulang kaso laban sa mga mapapatunayang responsable.

Matatandaang nauna nang inilunsad ng PCO ang “Oplan Kontra Fake News” at ang Anti-Fake News Desk bilang bahagi ng kanilang hakbang para makatanggap ng mga ulat mula sa publiko. Nakipag-ugnayan din sila sa siyam na pangunahing pahayagan upang mas mapalakas ang kampanya kontra misinformation.

Samantala, sinabi ni PCO Secretary Dave Gomez na layunin ng nasabing inisyatiba na maipalaganap ang tamang impormasyon, maibalik ang tiwala ng publiko, at mapabuti ang kaalaman ng mamamayan pagdating sa media literacy.