-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ni Leila De Lima, kinatawan ng Mamamayang Liberal Partylist, na ang impeachment hearing laban kay Sara Duterte ay isang “pagsusulit sa pananagutan” na nakabatay sa mga dokumento, audit findings, at magkakaugnay na transaksyon—hindi sa haka-haka o pulitika.

Ayon kay De Lima, nakatuon ang pagdinig sa posibleng maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.

Ipinaliwanag niya na hindi ito iisang insidente lamang, kundi serye ng magkakaugnay na transaksyon na may malalaking halaga at may mga pangalang hindi mapatunayan.

Binanggit din ni De Lima na noong Disyembre 2022, daan-daang confidential activities ang pinondohan, kabilang ang pamamahagi ng mahigit ₱15 milyon sa mahigit 100 indibidwal sa loob lamang ng isang araw.

Dagdag pa niya, ang usapin ay hindi lang simpleng kakulangan sa dokumento kundi tungkol sa tiwala ng publiko sa paggamit ng mahigit ₱600 milyon na pondo.

Nilinaw naman ni De Lima na layunin ng Kamara na masusing siyasatin ang mga ebidensya at alamin kung may sapat na basehan ang reklamo—at hindi pa upang maglabas ng pinal na hatol.