-- ADVERTISEMENT --

Mas tumitindi na ang panganib ng matitinding pag-ulan sa Pilipinas at iba pang bahagi ng Southeast Asia dahil sa epekto ng climate change, ayon sa isang bagong pag-aaral ng mga siyentipiko.

Sa research na pinamagatang Unseen but Increasing: Recent Changes in Risk of Extreme Precipitation over Southern Africa and Southeast Asia, sinuri ng mga mananaliksik ang datos at climate models kaugnay ng extreme rainfall mula 1981 hanggang 2024.

Lumitaw sa pag-aaral na mas mataas na ngayon ang posibilidad ng matitinding pag-ulan sa rehiyon, lalo na sa panahon ng tag-ulan. Sa ilang bahagi ng Southeast Asia at Africa, kabilang ang malalaking urban center, posibleng nadoble pa ang panganib ng extreme rainfall sa ilang buwan ng taon.

Sa Pilipinas, natukoy na pinakamalaki ang pagtaas ng risk sa southern Philippines mula Hunyo hanggang Nobyembre. Sa northern Philippines naman, mas mataas ang panganib mula Nobyembre hanggang Mayo, habang sa central Philippines ay tumitindi ang risk tuwing Agosto hanggang Oktubre—kasabay ng kasagsagan ng panahon ng bagyo.

Ayon pa sa mga mananaliksik, ang dating itinuturing na “once in 100 years” na extreme rainfall event sa Metro Manila ay maaaring mangyari nang mas madalas sa mga susunod na taon.

Ipinapakita rin ng projections ng pag-aaral na patuloy pang tataas ang banta ng extreme rainfall sa loob ng susunod na dalawang dekada habang umiinit ang mundo dahil sa climate change.

Tinukoy din ng research ang Pilipinas bilang kabilang sa mga tinatawag na “sitting ducks” — mga bansang mataas ang exposure sa matitinding pag-ulan kahit hindi pa nakararanas kamakailan ng pinakamatitinding record-breaking weather events.