Nanawagan si Erwin Tulfo sa Senado na pabilisin ang pagrerepaso sa Oil Deregulation Law, kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na pinalalala ng tensyon at digmaan sa Middle East.
Ayon kay Tulfo, lugi ang mga Pilipino sa kasalukuyang sistema dahil limitado ang kapangyarihan ng pamahalaan na kontrolin ang presyo ng petrolyo. Sa ilalim ng umiiral na batas, aniya, nakikiusap lamang ang gobyerno sa mga oil company na huwag magtaas ng presyo, sa halip na may direktang mekanismo para ito ay mapigilan.
Ipinahayag din niya ang suporta sa panukalang inihain ni Sherwin Gatchalian na Senate Bill No. 641, na naglalayong palakasin ang transparency sa downstream oil industry. Layunin nitong repasuhin ang RA 8479 at obligahin ang mga kumpanya ng langis na ilahad ang tinatawag na “unbundled prices” o detalyadong breakdown ng presyo ng kanilang produkto.
Paliwanag ni Tulfo, makakatulong ang hakbang na ito upang matukoy kung may overpricing sa mga ibinebentang produktong petrolyo sa mga gasolinahan at upang maging mas malinaw sa publiko kung paano binubuo ang presyo ng langis.
Binigyang-diin pa ng senador na matagal nang panawagan ng sektor ng transportasyon ang pag-amyenda o tuluyang pagbago sa Oil Deregulation Law upang mas maprotektahan ang interes ng mga mamamayan.













