Posibleng unti-unti nang maramdaman ang pagbabago sa political alignment ng ilang mambabatas matapos ihayag ni Sara Duterte na siya ay tatakbo sa pagkapangulo sa 2028 elections.
Ayon kay Edgar Erice, kinatawan ng Caloocan, inaasahang magkakaroon ng paggalaw sa mga alyansa sa Kamara, lalo na kapag tinalakay at pinagbotohan na ang impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo.
Gayunman, iginiit ni Erice na ang magiging pasya ng mga mambabatas ay nakasalalay pa rin sa kung paano haharapin at sasagutin ng kampo ni Duterte ang mga paratang na nakasaad sa mga reklamong inihain laban sa kanya.
Sa kasalukuyan, apat na impeachment complaint ang naisampa laban sa bise presidente sa magkakaibang petsa.
Dagdag pa ni Erice, maaaring ituring ng kampo ni Duterte na isang estratehikong hakbang ang maagang pagdedeklara ng kanyang kandidatura, ngunit marami pa umanong maaaring magbago sa loob ng susunod na dalawang taon bago ang 2028 elections.
Samantala, kasunod ng kanyang anunsyo, nagsimula na ring magbuo ng iba’t ibang support group ang kampo ng bise presidente. Kabilang dito ang Masa-Sara Duterte Alliance (MASADA), isang pambansang kampanya na layong hikayatin ang mahigit 32 milyong Pilipino na muling suportahan si Duterte sa susunod na halalan.













