-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi kinakailangan ng sertipikasyon mula sa Commission on Elections para makakuha ng tulong pinansyal ang mga kwalipikadong tsuper ng pampublikong transportasyon.

Ang paglilinaw ay ginawa ng ahensya matapos kumalat ang mga ulat na hinihingan umano ang ilang habal-habal drivers sa Cebu City ng Comelec certification bilang bahagi ng requirements sa cash aid.

Ayon kay DSWD spokesperson ASec. Irene Dumlao, sapat na ang pagpapakita ng lisensya bilang patunay na sila ay mga aktibong tsuper, upang mapabilis ang proseso at maiwasan ang dagdag na abala sa pagkuha ng ayuda.

Ipinaliwanag din ng DSWD na ang ₱5,000 na tulong pinansyal sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ay nakalaan lamang para sa mga kwalipikadong public utility vehicle drivers na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis.

Dagdag pa ng ahensya, bukas din ang AICS para sa iba pang sektor na nangangailangan ng agarang tulong, basta’t dumaan sila sa regular na proseso sa mga tanggapan ng DSWD sa buong bansa.