Nilinaw ni Justice panel chairman at Batangas Rep. Gerville Luistro na ang ginagawa ng Kamara ay hindi isang “trial” kundi isang paunang proseso lamang upang alamin kung may probable cause o sapat na batayan para maisulong ang impeachment case sa Senado.
Ayon kay Luistro, ang Kamara ay may tanging kapangyarihang mag-umpisa ng impeachment proceedings, habang ang Senado naman ang magsisilbing impeachment court na siyang magpapasya kung “guilty” o “not guilty” ang isang opisyal.
Itinanggi rin niya ang mga paratang na lumalampas sa kapangyarihan ang komite, at iginiit na ang kanilang ginagawa ay naaayon sa Konstitusyon at internal rules ng Kamara, at hindi isang “fishing expedition.” Layunin lamang umano ng pagdinig na busisiin ang mga ebidensya kung may sapat na basehan para ituloy o ibasura ang reklamo.
Tugon din niya sa mga nagsasabing isa itong distraksiyon, sinabi ni Luistro na kayang sabay-sabay na gampanan ng pamahalaan ang iba’t ibang tungkulin, at hindi dapat iwasan ang isang usapin dahil may iba pang problema. Mas mainam din umano na agad maresolba ang mga paratang upang makapagpokus sa ibang mahahalagang isyu.
Sa mga petisyong inihain sa Korte Suprema para pigilan ang pagdinig, sinabi niyang igagalang nila ang proseso ngunit karamihan sa mga argumento ay nakatuon lamang sa teknikalidad at hindi tumutugon sa mga pangunahing akusasyon tulad ng umano’y maling paggamit ng pondo at pagtatago ng yaman. Dagdag niya, nais ng publiko ng malinaw na sagot, hindi lamang mga legal na depensa.
Hinimok din ni Luistro ang Bise Presidente na humarap sa pagdinig at sagutin ang mga paratang sa tamang forum, sa halip na umasa lamang sa mga pahayag sa media o legal na hakbang. Giit niya, kung walang kasalanan ay mas mainam itong patunayan sa mismong proseso.
Binigyang-diin pa niya na ang impeachment ay hindi laban sa personalidad kundi para sa pananagutan at paghahanap ng katotohanan.
Sa pagdinig ngayong araw, inaasahang ilalahad ng mga ahensya tulad ng COA at NBI ang kanilang ebidensya, kasama ang saksi na si Ramil Madriaga na umano’y nagsilbing bagman ni VP Sara.













