Isang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nagbunyag sa korte ng umano’y malawakang kickback scheme na may kaugnayan sa isang flood control project sa Bulacan.
Sa kanyang testimonya, sinabi ni Henry Alcantara na umabot sa P90 milyon ang nakolektang umano’y pondo para kay Ramon Bong Revilla Jr. mula sa mga contractor na sangkot sa proyekto.
Ayon kay Alcantara, inutusan siya noon ng kanyang dating superior na si Roberto Bernardo na mangolekta ng pera mula sa advance payments ng mga contractor. Aniya, ang kabuuang halaga ay inilagay sa apat hanggang limang bank boxes na may lamang humigit-kumulang P20 milyon bawat isa at ipinadala sa isang hotel sa Roxas Boulevard sa pamamagitan ng kanyang driver.
Gayunman, inamin ng testigo na wala siyang matiyak na personal niyang nakita kung direktang natanggap ni Revilla ang buong halaga ng pera.
Ikinuwento rin ni Alcantara na siya ang lumagda sa mga dokumentong nagpapahintulot sa pagbabayad para sa P92.8 milyong flood control project sa Pandi, Bulacan kahit hindi siya mismo ang nagsagawa ng inspeksyon sa proyekto. Umaasa lamang umano siya sa mga ulat at larawang isinusumite ng kanyang mga tauhan bilang patunay na natapos at naisagawa nang maayos ang proyekto.
Patuloy na ginagamit ng prosekusyon ang testimonya ng dating opisyal bilang bahagi ng pagtalakay sa umano’y iregularidad na may kaugnayan sa implementasyon ng naturang proyekto.













