Nagpahayag ng pag-aalinlangan ang National Police Commission (Napolcom) sa paratang ng driver ng aktres na si Rhian Ramos na umano’y siya ay pisikal na inabuso ng dalawang pulis sa Makati City.
Sa isang ambush interview sa National Bureau of Investigation (NBI), sinabi ni Napolcom Executive Officer Rafael Calinisan na base sa kanyang napanood na CCTV footage mula sa loob ng istasyon ng pulisya sa Makati, wala siyang nakitang malinaw na ebidensiya na sinaktan ang complainant na gumagamit ng alyas na “Totoy.”
Ayon kay Calinisan, hindi niya nais pangunahan ang imbestigasyon, ngunit sa mga kuhang video na inilabas ay wala umanong makikitang aktwal na pananakit sa naturang driver.
Dahil dito, hindi pa naglalabas ng motu propio investigation ang Napolcom. Dagdag pa niya, naghihintay sila ng pormal na reklamo upang masuri kung ang mga sinasabing galos o marka sa katawan ng complainant ay tumutugma sa umano’y pinsalang kanyang natamo.
Sinabi rin ni Calinisan na hanggang sa kasalukuyan ay wala pang pormal na reklamong naihahain sa kanilang tanggapan.
Nauna nang iginiit ni “Totoy” na binugbog umano siya ng dalawang pulis upang pilitin siyang umamin sa umano’y pagnanakaw ng isang pulang ampao na naglalaman ng sensitibong mga larawan.
Samantala, hindi pa ipinapatawag ng NBI sina Ramos at ang mga beauty queen na sina Michelle Dee at Samantha Panlilio, na inakusahan din ni Totoy ng torture at illegal detention.













