-- ADVERTISEMENT --

May siyam na senador na magsisilbing senator-judges sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang may karanasan na sa mga naunang impeachment proceedings sa bansa.

Kabilang sina Sen. Loren Legarda at Sen. Vicente “Tito” Sotto III sa mga nagsilbing senator-judges sa impeachment trial ni dating Pangulong Joseph Estrada noong 2000 hanggang 2001. Muli rin silang naging bahagi ng impeachment court sa paglilitis kay dating Chief Justice Renato Corona mula 2011 hanggang 2012.

Kasama rin sa mga naging senator-judges sa kaso ni Corona sina Sens. Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Francis Escudero, Panfilo Lacson, Lito Lapid, Francis Pangilinan, at Jinggoy Estrada. Noong panahong iyon, pabor silang bumoto sa conviction ng dating punong mahistrado.

Naging bahagi rin ng impeachment court noon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang senador. Kaisa nina dating Sen. Joker Arroyo at ng yumaong Sen. Miriam Defensor-Santiago, bumoto siya para sa acquittal ni Corona.

Bukod sa mga senador, ilang personalidad na may papel sa kasalukuyang impeachment proceedings laban kay Vice President Duterte ay naging bahagi rin ng mga nakaraang paglilitis.

Si Sen. Risa Hontiveros, na noo’y kinatawan ng Akbayan Party-list, ay naghain ng graft complaint laban kay Corona sa Office of the Ombudsman. Samantala, si Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, na ngayon ay kabilang sa House prosecution panel, ay nagsilbing kalihim ng Department of Justice noong impeachment trial at tumestigo kaugnay ng kontrobersyal na temporary restraining order sa travel ban laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Hindi naman makalalahok si Sen. Jinggoy Estrada bilang senator-judge sa impeachment trial ni Vice President Duterte matapos siyang masuspinde ng Office of the Ombudsman sa loob ng anim na buwan kaugnay ng kasong plunder.