Naging tropical depression na ang low pressure area (LPA) na binabantayan ng PAGASA sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Sa pinakahuling tala ng state weather bureau, huling namataan ang sama ng panahon sa layong 2,905 kilometro silangan ng timog-silangang Mindanao.
Ayon sa PAGASA, mababa ang posibilidad na makapasok ito sa PAR at hindi rin inaasahang magdudulot ng epekto sa lagay ng panahon sa bansa dahil maaari rin itong tuluyang humina o malusaw.
Samantala, patuloy na nakaaapekto ang southwest monsoon o habagat sa Extreme Northern Luzon, kung saan inaasahan ang mga localized rain shower at thunderstorms.
Sa iba pang bahagi ng Pilipinas, inaasahan pa rin ang mainit at maalinsangang panahon, na may posibilidad ng panaka-nakang pag-ulan at pagkidlat-pagkulog lalo na sa hapon at gabi.













