-- ADVERTISEMENT --

Isang Nepali mountain guide ang nakaligtas sa isang pambihirang pagsubok sa buhay matapos ma-stranded sa Mount Everest nang halos anim na araw na walang sapat na oxygen, pagkain, at maayos na proteksyon laban sa matinding lamig.

Kinilala ang lalaki na si Dawa Sherpa, na unang inakalang nasawi matapos mawalan ng komunikasyon habang pababa mula sa summit ng pinakamataas na bundok sa mundo.

Matapos ang ilang araw ng paghahanap, natagpuan siyang buhay ng isang cleanup team habang unti-unti siyang bumababa patungo sa Everest Base Camp. Agad siyang isinakay sa helicopter at dinala sa ospital sa Kathmandu kung saan ginagamot siya para sa dehydration, frostbite, at mga bali sa katawan.

Ayon kay Sherpa, nagsimula ang kanyang matinding pagkalugmok nang maubos ang kanyang oxygen supply sa matataas na bahagi ng bundok, dahilan para mahirapan siyang gumalaw at magpatuloy sa pagbaba.

Ibinahagi rin niya na dalawang araw siyang walang makain at tanging pagnguya ng yelo ang naging paraan upang makakuha ng tubig. Sa kanyang bulsa, natagpuan niya ang ilang tsokolate na naging mahalagang tulong upang makaligtas sa mga sumunod na araw.

Mas lalo pang naging delikado ang kanyang sitwasyon matapos umano siyang mahulog sa isang crevasse at ma-trap nang humigit-kumulang dalawa at kalahating araw. Ayon sa kanya, isang avalanche ang kalaunang tumulong na mapuno ang siwang ng yelo, na nagbigay sa kanya ng pagkakataong makalabas.

Sa kabila ng matinding panganib, nagawa niyang gumamit ng mga lubid sa bundok upang dahan-dahang makababa hanggang sa matagpuan ng rescue team.

Ang insidente ay muling nagpapakita ng matinding panganib sa Mount Everest, kung saan hindi bababa sa limang katao ang nasawi sa kasalukuyang climbing season lamang. Sa kabuuan, mahigit 300 climbers na ang naitalang nasawi mula pa noong 1920s, patunay ng patuloy na hamon at panganib ng pag-akyat sa tinaguriang “roof of the world.”