-- ADVERTISEMENT --

Sa muling pagbubukas ng Kongreso ngayong Lunes, Hulyo 27, pagtutuunan ng pansin ng Kamara ang pagpasa sa mga natitirang priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (Ledac) ng administrasyong Marcos.

Ayon kay House Majority Leader Sandro Marcos, 26 sa kabuuang 52 Ledac priority bills ang naipasa o naendorso na, at layunin ng Kamara na maisulong pa ang natitirang mga panukala sa ikalawang legislative year. Aniya, inaasahang makatutulong ang mga batas na ito sa pagpapatupad ng mga programa ng Pangulo at sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga Pilipino.

Kabilang sa mga pangunahing panukalang inaasahang uusad ang Cybersecurity Act, na nakalinya na sa calendar ng Kamara. Samantala, hinihintay pa ang committee report para sa panukalang nagbabawal sa mga kamag-anak ng mga opisyal ng gobyerno na makakuha ng mga kontrata sa mga proyekto ng pamahalaan.

Nakatakda na rin para sa pinal na pag-apruba ang mga amyenda sa Cooperative Code at ang panukalang magtatakda ng National Thanksgiving Day tuwing ikaapat na Huwebes ng Nobyembre.

Bukod dito, siyam pang priority bills ang nakabinbin sa Committee on Appropriations, kabilang ang mga hakbang na magpapalakas sa transparency sa paggasta ng gobyerno, habang 15 iba pang panukala ang patuloy na tinatalakay ng mga technical working group.