Tuluyan nang nagsara ang kabanata ni June Mar Fajardo sa Gilas Pilipinas matapos kumpirmahin ng nine-time PBA Most Valuable Player na ang laban nila kontra Iran ang huli niyang pagsusuot ng national team jersey.
Nagtapos sa 68-56 panalo ng Gilas Pilipinas kontra Iran ang makulay na national team career ng Cebuano big man. Sa kaniyang huling laro para sa bansa, nakapag-ambag si Fajardo ng anim na puntos at dalawang rebounds sa loob ng pitong minutong paglalaro.
Taong 2013 nang unang mapabilang si Fajardo sa Gilas Pilipinas, kung saan si Chot Reyes ang nagsisilbing head coach. Sa loob ng mahigit isang dekada, naging bahagi siya ng iba’t ibang kampanya ng national team at isa sa mga beteranong manlalaro na patuloy na kumatawan sa Pilipinas sa international basketball.
Sa kaniyang pagreretiro sa national team, nagpaabot naman si Fajardo ng pasasalamat sa kaniyang mga tagahanga na patuloy na nagtiwala at sumuporta sa kaniya sa bawat pagkakataong suot niya ang uniporme ng Gilas Pilipinas.
Ngayon, ibinabaling na ng 9-time PBA MVP ang kaniyang atensyon sa San Miguel Beermen habang nagpapatuloy ang kaniyang karera sa PBA.













