Muling pinaiigting ng Iran ang tensyon sa rehiyon matapos nitong ianunsyo ang muling pagsasara ng Strait of Hormuz bilang tugon sa umano’y patuloy na “blockade” ng Estados Unidos sa mga daungan nito.
Tinawag ng Tehran na “piracy” o pandarambong sa dagat ang hakbang ng US, na ayon sa kanila ay labag sa internasyonal na batas at pumipigil sa malayang daloy ng kalakalan.
Ito ay naganap lamang isang araw matapos ianunsyo ng Iran na bukas na ang Strait of Hormuz kasunod ng pansamantalang tigil-putukan sa pagitan ng Lebanon at Israel. Ngunit agad ding binawi ng Iranian military ang desisyon, kasabay ng paglala ng tensyon sa karagatan.
Ayon sa mga ulat ng maritime security sources, nagkaroon pa ng insidente ng pagpapaputok mula sa mga Iranian gunboat laban sa isang tanker, dahilan upang ilang barko ang umatras o magbago ng ruta dahil sa takot sa eskalasyon.
Mahalaga ang Strait of Hormuz sa pandaigdigang ekonomiya dahil dito dumadaan ang tinatayang 20% ng suplay ng langis sa mundo. Kaya anumang banta sa kaligtasan ng daloy dito ay agad na nagdudulot ng pag-aalala sa posibleng pagtaas ng presyo ng langis at destabilization ng global energy market.
Giit ng Iran, mananatili ang mahigpit nilang kontrol sa nasabing stratehikong karagatan hangga’t hindi umano inaalis ng Estados Unidos ang naval blockade na kanilang ipinapataw. Sa kabilang banda, nananatiling mataas ang risk ng mas malawak na maritime confrontation kung magpapatuloy ang magkabilang panig sa kanilang posisyon.












