Umiinit ang panawagan sa Kamara na imbestigahan ang posibleng sabwatan ng malalaking kumpanya ng langis, kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo na nagpapabigat sa mga konsyumer.
Nagpahayag ng suporta si Leila de Lima sa isinusulong na pagsisiyasat hinggil sa umano’y cartel-like behavior sa industriya. Ayon sa kanya, kailangang busisiin kung may overpricing at profiteering na nagaganap, lalo na sa gitna ng oil price shock na nararanasan sa bansa.
Pinalalakas ng kanyang posisyon ang naunang hakbang ni Miro Quimbo, na nanawagan sa Philippine Competition Commission at Energy Regulatory Commission na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa posibleng manipulasyon ng presyo.
Sa pagdinig ng LEAD Council noong Abril 8, kinumpirma ni Arsenio Balisacan na malinaw na nasa mandato ng mga nasabing ahensya ang pagtukoy at pagpaparusa sa mga anti-competitive practices na nakakaapekto sa presyo ng langis.
Dahil sa sunod-sunod na oil price hikes, iginiit ni De Lima na panahon na upang muling suriin ang umiiral na Oil Deregulation Law, na aniya’y hindi na sapat upang protektahan ang publiko sa panahon ng krisis.
Bilang tugon, inihain niya ang House Bill No. 8824, na naglalayong amyendahan ang batas upang mapigilan ang posibleng pang-aabuso at matiyak ang mas mahigpit na pagbabantay sa industriya ng langis.













